TAGAYTAY
Maraming turista ang pumupunta sa Tagaytay dahil sa maganda nitong tanawin at kapaligiran. Ang iba naman ay bumibisita dito upang magpahinga dahil ang tanawin sa Tagaytay ay nakakapagpagaan sa pakiramdam, samahan na ng malamig na simoy ng hangin na humahaplos sa ating balat na nakapagbibigay ng magaan na pakiramdam. Matatanaw rito ang sikat na Taal Volcano na napapaligiran ng Taal Lake. Simula pa noong bata pa ako, ang lugar ng Tagaytay ang madalas puntahan naming pamilya dahil bukod sa ito ay malapit lamang sa aming lugar, maraming simbahan ang nakapalibot sa lugar na ito.

Isa sa mga lugar na madalas naming puntahan sa Tagaytay ang ang sagradong simbahan ng Pink Sisters. Pinangalanang “Pink Sisters” ang simbahang ito dahil bukod sa makikitang mga madre na nakasuot ng kulay rosas na abito, ang mga madreng ito ay sumasamba sa banal na sakramento at nagsasagawa ng prayer vigil sa loob ng 24 oras, pitong beses sa isang linggo.

Ang simbahang ito ay dinadalaw namin ng isang beses sa isang buwan. Sa tuwing gumagawa kami ng sulat na nilalaman ng aming pasasalamat at kahilingan, inihuhulog namin ito at saka namin ito dadasalan. Matapos namin gawin iyon ay gumagaan ang aming pakiramdam.

Kapag araw ng Linggo, bago magsimula ang misa ay maririnig ang mga madre na mahinang kumakanta ng mga awiting pangsimbahan. Ang kanilang mga boses ay tama lamang sa pandinig at ang kanilang tinig ay nakakapagbigay ng mapayapang pakiramdam. Nakasanayan na ng aming pamilya ang magpunta sa simbahang ito bago kami maglibot sa iba pang lugar sa Tagaytay.

Sa gilid ng simbahan ay mayroong isang maliit at mahabang daang paakyat sa altar ng mahal na birheng Maria. Habang nilalakad namin ang daang iyon ay matatanaw ang simbahan mula sa malayo at makikita rin ang mga puno at halaman na maayos na nakahilera sa daanan. Makikita rin sa daanang iyon ang mga nakaukit na imahe ng mga pinagdaanan ni Hesus noong siya ay ipapako sa krus. Tinatawag natin itong “Station of the Cross” o “Istasyon ng Krus”.

Nang marating namin ang dulo, agad naming natanaw ang puting altar ng mahal na birheng Maria na napapalibutan ng mga halaman at naggagandahang bulaklak. Mas lalong tumitingkad ang altar na ito dahil nasisinagan ito ng araw na siyang nagpapalabas ng tunay nitong ganda. Tunay na mapayapa ang simbahang ito dahil sa atmospera ng paligid at striktong mga tuntunin na inilapat upang mas maging karespe-respeto ang lugar.


Pagkalabas ng simbahan ay maraming makikitang mga tindahan ng mga lettuce, honey at iba’t ibang uri ng mga kakanin. Nang matapos kami pumunta sa simbahan ay tumungo naman kame sa aming paboritong bilihan ng Nilupak. Ang Nilupak ay gawa sa dinurog na kamoteng kahoy na nilagyan ng asukal. May iba pang mga kakanin ang binebenta sa lugar na iyon.


Dahil panahon ng kapaskuhan, dagsaan ang mga nagbebenta ng bibingka at puto bumbong. Naging mabili ito sa mga tao sa lugar na iyon dahil bukod sa malamig ang panahon, nahihimasmasan sila sa pagbili ng maiinit na kakaning ito. Mas mainam kung samahan ito ng mainit na kape para sa mas maginhawang pakiramdam sa panahon ng taglamig.

Ang mga lugar na pinupuntahan namin sa Tagaytay ay ang mga simbahan. Kapag kami ay nag Visita Iglesia sa mahal na araw ay sa Tagaytay ang madalas naming puntahan sa kadahilanang marami ang makikita simbahan at kapilya rito. Masasabi kong ang Tagaytay ang lugar na sagrado dahil sa mapayapang atmospera.